“Ang huling liham: Para sa hari ng mga hambog”
Marami na akong narinig na mga kwento ng pag-ibig.
May umiyak. Nasaktan. Niloko.
Pero hindi mo pala talaga maiintindihan ang pait ng mga salitang ito hangat hindi mo mismo nararanasan.
Hindi mo lubusang mauunawaan ang bawat titik hangat hindi mo ito nararamdaman.
Gaya na lamang ng aking kwento.
Oo. Gaya ng mga bidang babae sa bawat nobelang naisulat, ako ay niloko rin.
Pinagpalit. Pinaglaruan.
Masakit.
Hindi mo lubos maisip kung bakit.
Bakit ako? Bakit niya ako niloko?
Bakit sa kabila ng mga pangako ay pinili niyang tumalikod at piliin siya?
Bakit siya?
Bakit sila at hindi kami?
Bakit hindi ako naging sapat?
Ginawa ko naman ang lahat.
Pilit kong binago ang ako para lang bumagay sayo.
Nung mga panahong nangailangan ka ng suporta at dasal di ba nga’t ako ang naging sandalan mo?
Paano naman ang ating mga plano?
Di ba’t paulit-ulit mo pa ngang sinabing ako ang iyong ihaharap sa altar?
Na balang araw hindi na tayo magkakahiwalay.
Pero sa kabila ng lahat, mas pinili mong itapon ang lahat.
Ibasura. Kalimutan.
Pinili mong bumuo ng bagong daigdig kasama siya.
Siya na walang ginawa kundi ang angkinin ka.
Alam ba niya na may tayo pa nung naging kayo na?
Ang sama mo!
Ni hindi mo man lang ako nirespeto.
Wala pa ma’y ipinagsigawan mo na sa buong mundo na may bago ka. Mas nauna pa nga silang nakaalam kaysa sa akin.
Ginawa mo akong kahiya-hiya habang pinilit mong magpakabida.
Kaya sabihin mo sa akin,
anong saysay ng salitang “sorry?”
Mababago ba nyan ang lahat ng panloloko mo?
Mapapawi ba nyan ang sakit na ipinatikim mo?
Mabubura ba nyan and pilat na iniwan mo?
Sabi mo sinubukan mo akong mahalin, pero hindi naging sapat. Hindi mo na kaya. Hindi mo ako minahal kaya’t bumitaw ka.
Sabihin mo, mas mahirap bang magpaalam kaysa ang manloko? Anong libro ang nagturo sayo ng ganyang lohika?
At inaasahan mo bang tatangapin ko na lang lahat?
Na sa salitang sorry ay okay na lang lahat?
Na para bang walang nangyari?
Ipagpaumanhin mo na rin pero gaya ng sinabi ko hinding hindi kita kayang patawarin. Matapos ang iyong palabas, ganun na lamang ba iyon?
Hindi!
Gusto kong malaman mo na walang makakapawi sa sakit na dinulot mo.
At kung tunay ngang hindi mo ako minahal bakit hinayaan mong umabot tayo sa usapang kasal?
Bakit kailangan mo akong iharap sa iyong ama’t ina para pag-usapan ang kasunduan?
Paano mo nakayang humarap sa aking pamilya at umaktong handa ka na? Kung sa isip mo pala’y naglalaro ka lang?! Paano mo nakayang paglaruan kaming lahat?
Di ba nga’t wala pang isang lingo, inuwi mo rin ang babae mo?
Ngunit higit sa lahat, naaalala mo pa ba noong tayo’y biyayaan ng anghel? Sobrang saya ko nung mga araw na iyon. Para bang napawi ang lahat ng sakit sa puso ko.
Ngunit ang sandaling iyon ay saglit lang pala.Siguro nga’y hindi pa takda dahil siya’y agad namahinga.
Masakit. Sobrang sakit ang mawalan ng biyaya. Nang anghel na sana’y kasama ko pa.
Hinamon ko ang Diyos, “kahit mawala siya iwan mo lang ang anghel ko“, ang pa-ulit-ulit kong bulong.
Pero hindi siya nakinig. Binawi Niya ang sana’y pinakamaganda kong aginaldo.
Sa mga panahong iyon ako naghanap ng suporta, lakas at makakasama.
Pero wala ka.
Mag-isa kong nilabas pasok ang aking sarili sa iba’t ibang ospital sa pag-aakalang siya’y maisasalba.
Pinilit kong magpakatatag kahit ako’y nanghihina na.
Wala akong kasama.
Walang katuwang.
Mag-isa kong hinarap ang masamang balita.
Mag-isa akong lumuha.
Mag-isa akong nagluksa.
Samantalang ika’y nagpakasasa sa piling ng iba.
At may gana ka pang magsabing ako ang may sala.?!
Okay lang naman na ako’y di mo inintindi pero sana sumambit ka man lang ng kahit maikling dasal sa dapat sana’y tinawag mong “anak”.
At hindi pa man ako nakakapagbabang luksa, bumulong na naman sila.
“May bago na naman siya” ang paulit ulit nilang sinabi.
Wala na ngang kasing itim ang iyong budhi, sa kabila ng kaalamang tayo’y nawalan, nakuha mo pang mambabae.
Alam mo bang nilunod ko ang aking sarili sa luha? Hindi dahil sa mahal pa kita kundi dahil sa awa at galit.
Awa sa sarili ko.
Awa sa anghel ko.
Higit sa lahat galit sa bangis ng kasamaan mo. Hindi ko lubos maisip na mayroon palang taong kagaya mo!.
Ngunit sa kabila ng lahat, natuto akong tumayong muli.
Bumangon. Lumaban. Magpatuloy.
Sa tulong ng aking pamilya’t mga kaibigan ang sugat na iyong iniwan ay agad naghilom. Hindi ko inasahan na kay bilis kitang nakalimutan.
Naisip ko.
“Ano bang meron ka na hindi ko na makikita sa iba?”
WALA!
Kung kaya’t bago mo pa man sabihin ang salitang paalam ay matagal na kitang kinalimutan. Akala mo ba’y kailangan pa ng usapan? Nakakatawa ka. Dinaan mo pa sa pormalan wala ka namang alam sa kadisentehan.
Sa kabila ng lahat ng nasabi’t nangyari. Gusto ko pa ring sumambit ng pasasalamat.
Salamat sa lahat ng sakit dahil tinuruaan mo akong maging mas matapang.
Salamat sa mga kasinungalingan dahil mas nauhaw akong malaman ang katotohanan.
Salamat sa pagtalikod dahil natuto akong mas mahalin ang mga taong tunay na nagpapahalaga sa akin.
Salamat sa larong sinimulan mo dahil natuto akong maging mas matalino.
Salamat sa pag-alis dahil binigyan mo ako ng pakpak upang mas palawakin ang aking mundo.
Ngunit, ang kwentong ito ay hindi pa nagtatapos.
Ang parusa at hinagpis ay hindi pa ipinapagkaloob sa taong karapat dapat.
Sana’y makaya mong tangapin ang kapalit ng iyong lupit.
At sana rin mahimbing ka pang umiidlip sa kabila ng kaalamang ika’y nakasakit.
Sana balang araw usigin ka ng iyong konsiyensa.
Pakatandaan mo na ang buhay ay umiikot. Balang araw ang Diyos mismo ang sisingil sa kapalit ng bawat luha at sakit.
Lumuha ka man at magmakaawa, walang makikinig.
At pag dumating ang araw na iyon.
Alalahanin mo ako at ang aking munting anghel.
Dahil wala ng mas sasakit pa sa hinagpis ng aming pagkakahiwalay.
Arlene Kischaen Aboli
7 Comments
mhaey
ramdam kita!!????
thatgirlarlene
Thank you ?
If ever you’re going through the same situation. Isipin mo na kaya mo yan.? hindi siya kawalan?
All the best ????❤❤
Doctor Eamer
Kaya pala blurd na siya. hehe
thatgirlArlene
Yes. Kasi blurred na rin siya sa buhay. Lol. ??
Doctor Eamer
Haha! Better crop it next time. LOL!
thatgirlArlene
Ayy crop na talaga. Lol.
Pingback: